Umaasa si AGRI Party-list Representative Wilbert Lee, na maisabatas ang panukalang Right to Adequate Food Act, kasabay ng panawagan para sa implementasyon ng food security roadmap sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ang panawagan ng kinatawan ay bilang pakikiisa na rin sa selebrasyon ng Eid’l Adha ngayong araw.
Diin ni Lee, ang kasiguruhan sa pagkain ay makatutulong sa pagpapababa ng poverty incidence sa naturang rehiyon.
“As we celebrate Eid’l Adha, the feast of Sacrifice, I call on the government for the swift passage of measures that will guarantee help in ensuring food security for our Muslim brothers and sisters. Malaking bagay po na bumaba ang poverty incidence sa rehiyon, ayon na rin sa huling tala ng Philippine Statistics Authority (PSA), pero kailangan pa rin tandaan na 37.4 percent ng populasyon ng BARMM, o katumbas na 1.71 milyon na pamilya, ay naghihirap,” ani Lee.
Dagdag ng mambabatas, mayroon nang food security and nutrition roadmap para sa BARMM kaya naman mahalaga aniya na magkaroon ng enabling law para maayos na maipatupad ito, at isa na rito ang Right to Adequate Food Act.
Sa ilalim nito ay bubuo ng isang framework upang tugunan ang kagutuman at kung paano maisasakatuparan ng bansa ang right to food.