Nagpahayag ng suporta ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagpapalakas ng kooperasyong pandepensa sa Japan.
Ang pahayag ay ginawa ni AFP Chief of Staff General Andres Centino sa kanyang pakikipagpulong kay Tsuchimoto Hideki, Commissioner of the Acquisition, Technology, and Logistics Agency (ATLA) of Japan, na bumisita sa AFP General Headquarters sa Camp Aguinaldo ngayong umaga.
Nagpasalamat din si Gen. Centino kay Commissioner Hideki sa tulong ng Japan sa AFP modernization and capability upgrade program.
Sinabi pa ni Gen. Centino na “excited” ang AFP na makipagtulungan sa Japan para mapahusay ang relasyong panseguridad at pandepensa sa gitna ng mga kasalukuyang hamon.
Sinabi naman ni Commissioner Hideki na pinag-aaralan nila ang mga iba pang paraan para mapalakas ang defense equipment at technology cooperation ng Japan sa iba’t ibang bansa kabilang ang Pilipinas, para sa pagtataguyod ng kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon. | ulat ni Leo Sarne
📷: Sgt Ambay/PAO, AFP