Para kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, ang panukalang payagan ang mga non-board passer na makapagtrabaho sa mga public hospital at bigyan sila ng temporary license ay short term solution lamang.
Ang totoo aniyang dahilan ng pag-alis sa bansa ng ating mga nurse ay ang alok na mas mataas na pasahod para sa mga nurse sa ibang bansa.
Dapat aniyang repasuhin ang sahod ng mga nurse at bigyan sila ng mga nararapat na insentibo para manatili sila dito sa bansa.
Ang hirit na ito ng minority leader ay kaugnay na rin sa plano ni Health Secretary Teodoro Herbosa na bigyan ng temporary license ang mga nursing graduate na bumagsak o nakakuha ng score na 70 hanggang 74 sa kanilang board exam para makapagtrabaho na sa public hospitals.
Ito ay para matugunan ang problema sa tuluyang pagbagsak ng bilang ng mga nurse sa bansa dahil sa patuloy na mass exodus o pag-alis sa Pilipinas para makapagtrabaho abroad.
Tutol si Pimentel sa plano ng Kalihim sabay giit na kailangang maprotektahan ang integridad ng sistema ng pagsusulit sa bansa.
Aniya, kapag pumasa sa board ay malinaw na handa at competent na sa paghahatid ng health services ang isang examinee at kung bumagsak naman ay ibig sabihin lamang nito, hindi pa handa na maging nurse ang isang nursing graduate.
Payo ni Pimentel, huwag ibaba ang grado ng mga kukuha ng board exam at manatili sa kasalukuyang passing grade na 75%.
Ang dapat aniyang gawin ng gobyerno ay paghusayin ang lalamanin ng exam at tiyakin na ang mga katanungan na nakalagay sa test ay nakadirekta sa knowledge at skills set ng mga nurse. | ulat ni Nimfa Asuncion