Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na hindi nila naging miyembro ang wanted na dating Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gerald Bantag.
Sa isang statement, sinabi ni PNP Public Information Office Chief Police Brigadier General Red Maranan na si Bantag ay dating opisyal sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) bago na-appoint sa BuCor.
Ang paglilinaw ay ginawa ni Maranan sa gitna ng mga maling ulat na lumabas na dating miyembro ng PNP si Bantag at may mga protektor ito sa loob.
Binigyang-diin ni Maranan na aarestuhin ng PNP ang lahat ng lumabag sa batas, sinoman ito o ano man ang kanyang posisyon.
Sa ngayon aniya ay tuloy-tuloy ang paghahanap ng mga tracker teams ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa tulong ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) kay Bantag at dating deputy officer nito na si Ricardo Zulueta, na kapwa akusado sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid. | ulat ni Leo Sarne