May paggalaw sa presyo ng ilang pangunahing bilihin sa bansa partikular ng agricultural commodities sa unang bahagi ng hunyo base sa monitoring ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Kabilang sa nagtaas ang presyo sa wholesale ang bigas, bangus, native bawang pati na ang pulang asukal.
Ayon sa PSA, tumaas sa ₱0.07 hanggang sa ₱1 ang retail price ng kada kilo ng regular milled rice sa walong trading centers.
Nagkaroon din ng pagtaas na ₱0.50 hanggang ₱25 sa kada kilo ng bangus sa pitong trading centers at pati na sa native bawang na tumaas ng ₱10 hanggang ₱30 kada kilo.
Maging ang pulang asukal ay patuloy ang pagtaas kung saan naitala ng PSA ang ₱0.25 hanggang ₱6.13 na dagdag sa kada kilo sa anim trading centers.
Samantala, bumaba naman ang average retail prices sa kada kilo ng manok na may tapyas na ₱2.50-₱20.00 sa anim na trading centers.
Gayundin ang bentahan ng saging na lakatan na may naitalang tapyas na mula ₱2.08-₱15 sa anim trading centers. | ulat ni Merry Ann Bastasa