Maaaring magsimula ang privatization ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa unang quarter ng taong 2024.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Undersecretary for Aviation and Airports Roberto Lim, inaasahang mas mapapabilis ang pagproseso sa mga pasahero at mas lalaki ang kikitain ng pamahalaan, dahil madadagdagan pa ang mga flight sa NAIA.
Nilinaw naman ni Lim na may oportunidad pa rin na makapagtrabaho ang mga empleyado kahit na ma-privatize na ang NAIA.
Aniya, magiging regulator-operator ang relasyon sa pagitan ng Manila International Airport Authority at ng private concessionaire kung saan mangangasiwa ang MIAA sa operasyon ng mga paliparan.
Pag-aari pa rin ng gobyerno ang mga airport asset sa NAIA habang ang pribadong sektor ay limitado lamang sa operations at management. | ulat ni Bernard Jaudian