Pinarangalan ng Philippine National Police (PNP) ang Police Regional Office (PRO) 13 sa pagkamit ng “institutionalized status” sa kanilang “outstanding” na pagpapatupad ng Performance Governance System (PGS).
Tinanggap ni PRO-13 Regional Director Pablo Labra II ang “Gold Eagle Award” mula kay Acting Deputy Chief PNP for Administration Police Lieutenant General Rhodel Sermonia sa conferment ceremony sa Camp Crame.
Ang pinakamataas na PGS award ay iginawad sa PRO-13 matapos na makamit ang overall rating na 97.16% sa Institutionalization Evaluation Process.
Ito’y dahil sa pagtamo ng “remarkable results” sa pagbaba ng Regional Average Monthly Crime Rate, pagpapalawak ng aktibidad ng mga pulis para sa turismo, pagpapahusay ng Regional Crime Clearance Efficiency at Solution Efficiency, mataas na fill-up percentage sa mobility and investigative equipment, kumpletong fill-up ng small arms, at pagtatatag ng ilang standard police stations.
Sa kanyang acceptance speech, pinasalamatan ni Labra si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. at PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. sa kanilang suporta; at ang mga dating Regional Director at lahat ng tauhan ng PRO-13 sa kanilang kontribusyon. | ulat ni Leo Sarne