Nakatakdang ilunsad ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang kanilang mas pinalakas na “reach out program” kung saan sinasagip ang mga katutubo, at pinauuwi sa kanilang mga komunidad.
Sa Kapihan sa Manila Bay media forum — sinabi ni DSWD Sec. Rex Gatchalian na hindi lamang mga Badjao ang pinag-uusapan dito, kundi kasama ang iba pang katutubo, mga “homeless” o mga pamilyang nakatira sa lansangan at iba pang katulad.
Paglilinaw naman ni Gatchalian, ang “intensified reach out program” ay hindi lamang “seasonal” o hindi tuwing panahon ng Pasko o holiday season.
At sa halip, ito “mainstay program” na ng DSWD o ibig sabihin ay tuloy-tuloy anuman ang panahon.
Ani Gatchalian, nakikipag-ugnayan na ang DSWD sa local government units o LGUs upang matiyak na magkakatugma at sanib-pwersa sila sa reach out operations.
Una rito, may mga ulat ukol sa mga katutubo na patuloy na namamalimos sa Kalakhang Maynila, at ang ilan, pinapasok pa raw ang ilang tindahan o nasasangkot sa ilang modus. | ulat ni Lorenz Tanjoco