Iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian na ang pinakabagong raid ng Kapulisan sa isang Philippine Offshore Gaming operator (POGO) hub ay isa na namang patunay kung bakit hindi na dapat pahintulutan ang operasyon ng mga POGO sa Pilipinas.
Ipinunto ni Gatchalian na ang naturang operasyon ay nagresulta sa pagkakasagip ng higit 2,000 manggagawang Pinoy at mga dayuhan na hinihinalang mga biktima ng human trafficking.
Aniya, dagdag ito sa mga patunay na sangkot ang mga POGO sa mga kriminal na aktibidad.
Ayon sa senador, dahil pinapayagan natin ang mga POGO na manatiling nag-ooperate sa bansa ay nagiging hotbed na tayo ng human trafficking.
Ipinunto rin ng mambabatas na dahil sa hindi epektibong pagmo-monitor ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa operasyon ng mga POGO ay tila nabibigyan ng libreng lisensya ang mga POGO hubs na gumawa ng mga kriminal na aktibidad.
Muling binigyang-diin ni Gatchalian na nagdudulot ng malaking banta sa peace and order situation ng bansa ang mga POGO kaya dapat nang paalisin sa bansa ang mga ito. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion