Para kay Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa, hindi na dapat pilitin ang ilang hindi pabor sa panukalang mandatory Reserve Officer’s Training Corps (ROTC) Program.
Ito ang reaksyon ng senador sa inilabas na survey ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP), na nagpapakitang mahigit kalahati ng college freshmen at senior high school students sa mga Catholic school ang tutol sa muling pagbuhay ng ROTC.
Ayon kay Dela Rosa, ang pagdepensa naman sa bansa ay hindi pinipili, bagkus, isang tungkulin ng bawat mamamayan sa Pilipinas na itinatakda ng konstitusyon.
Kaya naman, naniniwala ang mambabatas na walang dahilan para kumbinsihin pa ang mga aniya’y ‘unpatriotic’ o hindi makabayang mga pilipino.
Sa survey ng CEAP, lumalabas na 53 percent ng 20,000 mag aaral sa Catholic schools na tinanong ang tutol sa proposal na ibalik ang ROTC habang 28 percent naman sa mga estudyante ang pabor, at 19 percent ang undecided. | ulat ni Nimfa Asuncion