Sang-ayon si Senador Chiz Escudero na ipaubaya na sa pribadong sektor ang operasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Naniniwala kasi si Escudero na mas magiging episyente ang private sector sa pangangasiwa ng NAIA kaysa sa pamahalaan.
Pero sa pagsasakatuparan nito, binigyang diin ng senador na dapat maging malinaw kung anong bahagi ng operasyon ng paliparan ang mananatiling nasa pangangasiwa ng gobyerno, at ano ang hahawakan ng pribadong sektor.
Dapat rin aniyang sumunod sa naaangkop na procurement procedure na itinatakda ng batas, at iba pang regulasyon ang ipinapanukalang privatization.
Pinunto nitong dapat maging bukas sa lahat ng qualified bidders ang proseso.
Ang panukalang pagpasok ng pribadong sektor sa operasyon ng NAIA ay nakapaloob sa feasibility study para sa NAIA rehabilitation program, na isinumite para sa pag-apruba ng National Economic Development Authority.
Lumutang ang mungkahing ito matapos ilang beses na magka aberya ang paliparan. | ulat ni Nimfa Asuncion