Hinimok ni Senador Francis Tolentino ang bagong liderato ng Department of Health (DOH) na maglatag ng mga bagong inobasyon para hikayatin ang mga Pilipinong nurse na manatiling nagtatrabaho dito sa Pilipinas.
Kabilang sa mga tanong ni Tolentino kay bagong Health Secretary Teodoro Herbosa ay kung may plano ba sa susunod na budget cycle ng DOH para maengganyo ang mga Pinoy nurses na huwag nang umalis ng ating bansa.
Ayon sa senador, isa sa mga pangunahing problema sa local nursing industry ng bansa ay ang pagpapasahod at mga benepisyo, sa gobyerno man nagtratrabaho o sa pribadong medical facilities.
Aniya, malaki talaga ang pagkakaiba ng sweldo ng mga nurse dito kumpara sa ibang mga bansa kaya naman ang karamihan sa ating mga nurse ay no choice kundi mangibang-bansa.
Ang ilan naman aniya ay nagbabago na lang ng career path.
Sinang-ayunan naman ito ni Herbosa at sinabing nakikipag-usap na siya sa Professional Regulations Commission (PRC) para kahit papaano ay mapaluwag ang licensing rules para makapag-empleyo ng mga nurse sa government health facilites, kabilang na dito ang pagbibigay ng temporary license sa mga fresh graduates.
Sa ngayon kasi aniya ang problema ay mga lisensyadong nurses ang pinapayagan lang ng Civil Service na makapagtrabaho sa government health sector. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion