Hinihikayat ni Senador Francis Tolentino si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magdeklara na ng State of National Emergency dahil sa lumalalang epekto ng African Swine Flu (ASF) sa local swine industry.
Sa paghahain ng senate resolution 565, pinaliwanag ni Tolentino na ang pagdedeklara ng state of calamity sa buong Pilipinas ay makakapahintulot sa department of agriculture (DA), local government units (LGUs), at iba pang kinauukulang ahensya na magkaroon ng sapat na pondo para sa pagtugon sa ASF.
Kabilang na sa mga pondong maaari nilang gamitin ay ang Quick Response Fund (QRF).
Maaari rin aniyang magdeklara ang pangulo ng Pilipinas na gamitin ang savings para mapunan ang kukulanging pondo sa pagtugon sa ASF.
Pinunto ng senador na ang local swine industry ay isa sa mga pinakamalaking livestock subsector at pangalawa naman sa pinakamalaking contributor sa sektor ng agrikultura ng Pilipinas.
Sa huling datos, kumalat na ang ASF sa 460 na bayan at 54 na probinsya sa buong bansa. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion