Nananawagan si Senate Minority Leader Koko Pimentel kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na i-veto ang kakaapruba lang na Maharlika Investment Fund Bill at ibalik ito sa kongreso para maitama.
Giit ng senador, hindi katanggap-tanggap ang kasalukuyang porma ng panukalang batas at nasa pinakamainam na interes ng mga Pilipino at ng administrasyon na ibalik ito sa kongreso.
Ipinaliwanag ni Pimentel na ang pagbabalik sa kongreso ng MIF ay magbibigay sa kanila ng panahon para maresolba ang mga magkakasalungat na probisyon at makapagdaragdag ng safeguards para maprotektahan at mapangalagaan ang transparency at accountability ng pinapanukalang pondo.
Sinang ayunan rin ng minority leader ang pinunto ni Senador Chiz Escudero na ang kahinaan at inconsistency na napuna sa pinasang panukala ay resulta ng pagmamadali at hindi pinagplanuhang legislation.
Sakali aniyang hindi ma-veto, ang kasalukuyang porma ng MIF ay hindi makakapasa sa Korte Suprema. | ulat ni Nimfa Asuncion