Para kay Senate President Juan Miguel Zubiri, dapat tulungan ng Pilipinas ang mga Afghan national na hinihiling ng US na pansamantalang patuluyin sa bansa para magproseso ng special immigration visa.
Giit ng Senate leader, ito ang tama at dapat gawin.
Ibinahagi ni Zubiri, na sa kanyang naging working visit sa Estados Unidos, isa ang request na ito ng US sa mga natalakay niya kasama ang mga opisyal ng US state department.
Ayon sa senate president, wala naman siyang nakikitang masama sa naturang plano dahil hindi naman permanenteng mananatili sa Pilipinas ang mga Afghan national na ito.
Sinabi ng senador, na 60 to 90 days lang maninirahan sa bansa ang Afghan nationals.
Katunayan, may benepisyo rin aniya ito sa ating bansa, dahil maiiwan sa atin ang mga ipapatayong temporary shelter para sa mga Afghan national sakaling umalis na sila ng Pilipinas.
Pagdating naman sa isyu ng seguridad, kumpiyansa si Zubiri na mache-check ng maigi ng US ang background ng mga Afghan national, dahil mas mahigpit ang kanilang vetting process kumpara sa ating bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion