Hindi sang-ayon si Senadora Risa Hontiveros na hindi urgent ang Sexual Orientation, Gender Identity and Expression, and Sex Characteristics (SOGIESC) bill.
Giit ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality Chairperson, dapat mabigyan ng hustisya ang mga kababayan nating hindi malayang nakakapamuhay dahil sa kanilang kasarian.
Pinunto ni Hontiveros na paulit-ulit sa balita ang mga mag-aaral na nabubully dahil sa kanilang SOGIE, may mga napagkakaitan ng serbisyong medikal at hindi nakakakuha ng ganap na benepisyo sa trabaho dahil sa diskriminasyon.
Dahil dito, umaasa ang senadora na dadaan sa tamang legislative process at alinsunod sa senate rules ang SOGIESC bill.
Aniya, higit dalawang dekada nang nakabinbin sa kongreso ang panukalang ito at dalawang dekada na ring walang proteksyon ang mga kababayan nating miyembro ng LGBTQ+ community.
Matatandaang naglabas na noon ng committee report ang kumiteng pinamumunuan ni hontiveros tungkol sa SOGIE bill o Senate bill 1600.
Pero hindi ito naipresenta sa plenaryo ng senado at ibinalik sa Senate Committee on Rules dahil sa oposisyon mula sa ilang religious groups at iba pang mga sektor.| ulat ni Nimfa Asuncion