Nasa desisyon na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kung ganap na bang ipapatigil sa Pilipinas ang operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri.
Para sa Senate president, napapanahon nang magkaroon ng pinal na desisyon tungkol sa POGO operations sa bansa dahil nakakaapekto na ito sa imahe ng Pilipinas.
Sakali man aniyang magdesisyon si Pangulong Marcos na isara na ang mga POGO sa bansa ay ang susunod na magiging tanong ay kung gaano katagal gagawin ang pagpapatigil ng operasyon nito – ito ba ay gagawin ng agaran o by phase.
Samantalang kung regulation naman ng POGO ang magiging desisyon ng Punong Ehekutibo, sinabi ni Zubiri na kakailanganin ng Kongreso na gumawa ng mga batas na magtitiyak na magkakaroong ng maayos na tax collection sa mga POGO, na mapapanatili sila sa iisang lugar lamang, magkakaroon ng regular na rebyu ng kanilang mga empleyado at ang pagpapataw ng mas mabigat na parusa para sa mga POGO-related crimes.
Ibinahagi naman ng mambabatas na sa Senado ay patuloy pa rin ang debate kung dapat na bang agad na ipatigil ang POGO operations sa bansa o i-regulate lang ito. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion