Hinikayat ni House Speaker Martin Romualdez ang lahat ng Pilipino na isabuhay ang diwa ng kabayanihan at makiisa sa pagtugon sa kinahaharap na hamon ng bansa, bilang pagtanaw na rin ng pasasalamat sa mga bayaning nag-alay ng buhay para sa kalayaan ng bansa.
Sa pagdalo ng House leader sa selebrasyon ng 125th Independence Day sa Bonifacio Monument sa Caloocan City, ay binigyang diin nito ang kahalagahan na balikan ang mga aral na iniwan ng ating mga ninuno at bayani tulad na lamang ni Gat Andres Bonifacio na siyang Ama ng Philippine Revolution.
“Sa araw na ito, gisingin natin ang kabayanihan sa bawat isa sa atin. Hindi natin mailalatag ang daan tungo sa magandang kinabukasan kung hindi pag-aaralan ang landas na tinahak ng mga naunang henerasyon. Utang natin sa kanila ang kalayaang tinatamasa natin ngayon,” saad ni Speaker Romualdez.
Ayon sa Leyte 1st district solon, kailangan pa rin ng makabagong henerasyon ng isang katulad ni Bonifacio para ipaglaban at isulong ang kalayaan ng bansa mula naman sa kahirapan at kagutuman.
“Sa ganang akin, hindi pa tapos ang laban ni Gat Andres at iba pa nating bayani. Laban din ito para wakasan ang kagutuman. Laban para maranasan ang ginhawa sa buhay. Laban para matiyak ang magandang kinabukasan,” sabi ng House leader
Kaya paghimok nito sa mga Pilipino na maging bayani para sa pamilya, bayan at kapwa at maging bahagi ng solusyon sa mga hamong kinakaharap ng Pilipinas
“Maging bayani para iangat ang buhay ng pamilya. Kumilos para maging bahagi ng solusyon sa mga problema ng bayan. Maging bayani para sa bansa at para sa kapwa,” dagdag ni Romualdez
Sa kanila naman aniyang panig bilang kinatawan ng kapulungan, tiniyak nito na mananatili silang katuwang at kasama ng mga Pilipino sa laban na ito.
Kabilang na rito ang pagpapasa ng mga panukala na magpapalakas sa ekonomiya ng bansa at kalagayan ng buhay ng bawat Pilipino. | ulat ni Kathleen Jean Forbes