Tatlong dating senate president na ang nagsasabing dapat i-recall at ibalik sa plenaryo ang Maharlika Investment Fund (MIF) bill para maitama ang mga pagkakamali sa nilalaman ng inaprubahang bersyon nito.
Partikular na tinutukoy ang nakwestiyong magkaibang prescription period para sa mga krimen at paglabag na itinatakda sa MIF bill, kung saan ang isang section ay nagtatakda ng 10-year prescription habang ang isa ay nagtatakda ng 20-year prescription.
Giit nina dating senate president at ngayo’y Minority Leader Koko Pimentel, at dating senate presidents Vicente Sotto III at Franklin Drilon, maitatama lang ang discrepancies sa inaprubahang MIF bill sa pamamagitan ng pagkonsiderang muli nito sa plenaryo.
Binigyang diin din ni Pimentel na ang ibang paraan ng pagtatama maliban dito ay maituturing nang ‘falsification of legislative documents’.
Sinabi naman ni Sotto na hindi pwedeng ang secretariat lang ang mag-amyenda o magtama sa mismong nilalaman ng panukala at tanging typographical at clerical errors lang ang pwede nilang galawin.
Aniya, tanging ang mga senador lang ang may otoridad na mag-amyenda sa mga mismong nilalaman ng panukala.
Nagbabala si Sotto na oras na ituloy ng kongreso na papirmahan kay Pangulong Ferdinand R . Marcos Jr. ang panukala na may error o ang kopya na binago ng secretariat ay maaring makwestiyon ang MIF bill sa supreme court.
(FORMER SEN VICENTE SOTTO III: “Hindi pwedeng galawin ng secretariat ang kahit ano except perhaps sa typographical error. yung comma, period, or yung numbering o lettering. yun lang ang pwede. at yun e pinagpapaalam pa yun. when it comes to content nung bill, once na-ratify ng both houses of congress, wala nang pwedeng gumalaw dun. congress lang uli. in other words, kung gusto nilang galawin yun at may gusto silang isama o alisin, kailangan ibalik nila in plenary….ibabalik nila yan sa period of ammendments, doon nila gagalawin yung gusto nilang galawin, ipapa-approve nila ulit on second reading at third reading saka magbi-bicam ulit, unless hindi na magbi-bicam dahil tatanggapin na ng House of Representatives ang kanilang ginawa…”
Pinunto naman ni dating Senador Franklin Drilon na oras na magkaroon ng seal of approval ang MIF bill mula sa dalawang kapulungan ng kongreso, ang wording, text at substance ng panukala ay hindi na maaaring baguhin.
Maliban sa pag-recall sa panukala, isa pang opsyon na ibinahagi ng dating senador ay ang magpasa ng isang joint resolution ang dalawang kapulungan ng Kongreso para itama ang conflicting provisions.
Gayunpaman, binigyang diin ni Drilon na maaari lang gawin ang mga ito kung may sesyon ang Kongreso.
Sa ngayon ay naka-sine die adjournment ang Kongreso at sa Hulyo pa muling magbubukas.
Kaya naman kinakailangan muna aniyang maghintay ang MIF bill.
Matatandaang sa isang pulong balitaan nitong Martes, sinabi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na hindi pa naisusumite sa Malacañang ang inaprubahang bersyon ng MIF bill at sumasailalim pa ito sa finishing touches. | ulat ni Nimfa Asuncion