Tiwala si House Speaker Martin Romualdez na lalo pang magiging epektibo ang gabinete ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagkakatalaga ng bagong mga kalihim ng Department of Health (DOH) at Department of National Defense (DND).
Aniya, lalo pang huhusay ang gabinete sa pagpasok nina Health Secretary Ted Herbosa at DND Secretary Gilbert Teodoro dahil sa lawak ng karanasan at kaalaman nila sa kani-kanilang sektor.
Patunay aniya ito na tanging ang mga “best at brightest” talaga ang pinipili ni Pangulong Marcos Jr. na makatuwang sa pagseserbisyo publiko.
“They are welcome additions to the President’s immediate official family. Their wealth of experience and knowledge in defense and health strengthen the Marcos Cabinet,” ani Romualdez.
Maliban dito, malaki rin aniya ang maiaambag nina Teodoro at Herbosa sa pananaw ng sibilyan sa defense at health sector.
Si Teodoro ay dati nang nagsilbi bilang defense secretary at Tarlac lawmaker.
Ang kaniya namang ama ay si dating SSS Administrator Gilberto Teodoro Sr. noong administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Si Herbosa naman ay matagal nang undersecretary ng DOH at dati nang opisyal ng Philippine General Hospital. | ulat ni Kathleen Forbes