Tiniyak ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na kanila pang pagbubutihin ang pagpupursige nito sa paglikha ng mga dekalidad na manggagawang Pilipino.
Ito ang inihayag ni TESDA Deputy Director General Aniceto “John” Bertiz III, makaraang manguna ang TESDA sa mga ahensya ng pamahalaan na nakakuha ng pinakamataas na trust at approval ratings sa 2nd Quarter Pahayag 2023.
Sa naturang survey kasi na isinagawa mula Hunyo 7 hanggang 12, nakakuha ang TESDA ng 72 percent approval ratings at 58 percent trust ratings.
Sinabi ni Bertiz, magsisilbing inspirasyon para sa kanila ang naturang survey upang linangin pa ang karunungan gayundin ang kakayaha ng mga Pilipino na maipagmamalaki sa buong mundo.
Patunay na aniya rito ang 8 sa bawat 10 Pilipino na nagtapos sa pagsasanay ng TESDA ang mabilis na nakakuha ng trabaho, na isang magandang indikasyon na nakalilikha ang bansa ng magagaling na Pilipino. | ulat ni Jaymark Dagala