Hinikayat ni Trade Secretary Alfredo Pascual ang mga nangungunang Japanese trading houses o sogo shoshas, na aktibong makilahok sa pagpapaganda ng bilateral economic at trade relations sa pagitan ng Pilipinas at Japan.
Sa kanyang mensahe sa pagbubukas ng sesyon ng ASEAN-Japan Business Week 2023, binigyang-diin ni Pascual, na ang mga bansang kasapi ng ASEAN at Japan ay maaaring mag-complement sa isa’t isa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng bata at masiglang Filipino workforce na magbibigay-lakas sa tumatandang populasyon ng Japan.
Bilang kapalit, ang advanced technological capabilities ng Japan ay makakatulong naman sa Pilipinas na mag-shift sa isang ekonomiya na pinapagana ng high-tech at future-ready na mga makinarya at kagamitan.
Binati naman ng mga executive ng One Trading House si Pascual sa kamakailang niratipikahang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP), na magpapadali sa pagtaas ng kalakalan at pamumuhunan, pagbabawas ng taripa at pagsasama ng MSMEs sa mga global value chain sa rehiyon. | ulat ni Gab Villegas