Unemployment rate nitong Abril, bumaba — PSA

Facebook
Twitter
LinkedIn

Bumaba ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho nitong Abril.

Ayon kay Philippine Statistics Authority (PSA) Chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, naitala sa 4.5% ang unemployment rate nitong abril o katumbas ng 2.26 milyong Pilipino na walang trabaho noong Abril.

Mas mababa ito kumpara sa 2.37 milyong walang trabaho noong enero ng 2023 at 2.76 milyon namang naitala ng kaparehong buwan noong 2022.

Kasunod nito, umakyat naman sa 95.5% ang employment rate o katumbas naman ng higit 48 milyong Pilipino na may trabaho sa bansa.

Ang underemployment rate naman ay naitala sa 12.9% na pinakamababa mula noong Abril ng 2005.

Ayon sa PSA, siyam na rehiyon ang nagtala ng pagtaas sa employment rate kung saan nangunguna ang Cagayan Valley na may 97.6% employment rate.

Samantala, ang Calabarzon naman ang may mataas na unemployment rate sa 5.5%

Kabilang naman sa mga sektor na nakaambag sa pagtaas ng employment rate noong Abril ang wholesale at retail trade na may dagdag na higit 900,000. Kabilang dito ang mga trabaho sa groceries, at supermarkets.

Sumunod dito ang accomodation at food service activities dahil sa pagtaas ng employed sa resto at food mobile services gaya ng fast food at food delivery.

Habang pangatlo naman ang admin and support service na mula sa pagtaas ng bilang ng nagkatrabaho sa BPO industry.

Habang ilan naman sa sektor na nabawasan ng manggagawa ang sektor agriculture at forestry, manufacturing at pati na ang construction. | ulat ni Merry Ann Bastasa

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us