Inanunsyo ng Ministry of Foreign Affairs ng Taiwan na pinalawig pa nito ang visa-free entry sa kanilang teritoryo mula Agosto 1 ngayong taon hanggang Hulyo 31 ng susunod na taon.
Ayon sa Taiwan Bureau of Consular Affairs, bahagi ito ng kanilang hakbang upang i-promote ang kanilang New Southbound Policy.
Sa isinagawang pulong ng Ministry of Foreign Affairs ng Taiwan, napagkasunduang palawigin pa ang visa-free entry sa kanilang teritoryo para sa kanilang partner countries kabilang na ang Pilipinas.
Maliban sa Pilipinas, pinalawig din ang visa-free entry sa Taiwan para sa mga mamamayan ng Thailand at Brunei.
Layunin nitong mapagtibay ang bilateral relations ng Taiwan sa tatlong nabanggit na bansa upang mapalakas pa ang turismo matapos padapain ng COVID-19 pandemic.
Wala pang pahayag hinggil dito ang Manila Economic and Cultural Office o MECO. | ulat ni Jaymark Dagala