Pinasalamatan ni Vice President Sara Z. Duterte ang mga bagong bayaning ipinaglaban ang kalayaan kontra terorismo, kriminalidad at katiwalian.
Sa kanyang mensahe para sa ika-isandaan at dalawampu’t limang anibersaryo ng Araw ng Kalayaan, sinabi ni VP Sara na hanggang ngayon ay patuloy na nilalabanan ng mga bayaning ito ang komunismo para makamit ang kaunlaran.
Partikular na rito ang paglago sa usapin ng public health, ekonomiya, kapayapaan at kaayusan at mabuting pamamahala.
Binigyang-diin ng pangalawang pangulo na dapat suportahan ang sektor ng edukasyon upang matiyak na hindi maliligaw ng landas ang mga kabataan sa panganib ng armadong pakikibaka at magamit ang potensyal tungo sa pagpapalaganap ng positibong pagbabago sa lipunan.
Iginiit pa ni VP Sara na ang ilang taong pagpapakamartir, kabayanihan at katapangan ng mga Pilipinong makabayan ay nag-iwan ng legasiya ng katatagan at pagmamahal para sa ikatatagumpay ng bansa.
Ito aniya ang nagsisilbing inspirasyon sa mga lingkod-bayan para sa pag-abot ng inclusive development na magpapalaya sa mga Pilipino sa kahirapan, pagkalulong sa ilegal na droga, insurgency at iba pang banta sa pambansang seguridad.| ulat ni Hajji Kaamiño