Makalipas ang isang taon bilang Pangalawang Pangulo ng bansa, nagbigay na ng kanyang pag-ulat sa bayan si Vice President at Department of Education (DepEd) Sara Duterte-Carpio sa mga nagawa ng kanyang tanggapan.
Sa kanyang kauna-unahang Pasidungog o pagkilala sa mga natatanging pribadong sektor at mga ahensya ng pamahalaan na naging katuwang ng kanyang tanggapan, pinasalamatan ni VP Sara ang mga ito sa paghahatid ng tulong sa mga Pilipino.
Sinamantala na rin ni VP Sara ang pag-uulat sa bayan kaugnay sa mga ginawa ng Office of the Vice President sa nakalipas na isang taon.
Kabilang dito ang pagtatayo ng mga satellite at extension office sa siyam na probinsya sa bansa, libreng sakay, relief assistance operation, medical assistance, burial assistance, livelihood assistance, legal assistance, pamamahagi ng PagbaBAGo bag sa mga bata, Pamsarap program para tumulong sa pagbaba ng malnutrition sa mga paaralan, paglaban sa terorista tulad ng CPP-NPA at mga front organizers nito, at maraming iba pa.
Pinasalamatan din ng Bise Presidente si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa suporta nito sa adhikain at programa ng OVP.
Sa nakalipas ding isang taon, iniulat ni VP Sara ang matagumpay niyang pakikipag-ugnayan sa foreign dignitaries para mapalakas ang ugnayan nito sa sektor ng edukasyon.
Kanyang tiniyak sa mga Pilipino na magpapatuloy ang mga programang ito sa susunod na limang taon. | ulat ni Michael Rogas