Tuloy-tuloy ang pamamahagi ng tulong pinansyal ng lokal na pamahalaan ng Zamboanga sa mga naging biktima ng matinding pagbaha dulot ng nagdaang mga bagyo at Low Pressure Area (LPA) na naranasan ng siyudad.
Sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program, aabot sa 904 benepisyaryo mula sa pitong barangay sa Zamboanga na lumubog sa tubig baha noong Enero nitong taon dahil sa LPA ang nakatanggap ng ayuda mula sa lokal na pamahalaan kahapon.
Ang kada pamilya na nawalan ng tirahan o may totally damaged houses ay nakatanggap ng P5,000 habang ang may partially damaged houses ay nakakuha naman ng tig-P3,000.
Sa kanyang mensahe, siniguro ni Zamboanga City Mayor John Dalipe na tuloy-tuloy ang suporta at pamamahagi ng tulong ng pamahalaan sa ilalim ng AICS program para sa mga mamamayan sa panahon ng krisis lalo na ang mga kabilang sa impormal na sektor at iba pang mahihirap. | ulat ni Shirly Espino | RP1 Zamboanga