Inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang limang Chinese matapos na makumpiska sa kanila ang ₱201-milyong pisong halaga ng pekeng Crocs at Havaianas sandals sa dalawang araw na operasyon sa Bulacan.
Unang nahuli sa aktong pagbebenta ng pekeng Crocs sandals sina Lin Chang Jiang, 33; Wu Gu Ding, 60; at Chu Jen Huang, 64; sa King Sport Property Compound, Barangay Lambakin, Marilao, Bulacan, nitong Lunes.
Nakuha sa kanila ang 1,311 sako na naglalaman ng 62,000 pares ng pekeng Crocs na nagkakahalaga ng ₱180-milyong piso.
Nahuli naman sa follow-up operation kahapon sa Warehouse No. 3, Duhat Road, Barangay Duhat, Bucaue, Bulacan sina Shuzhen Wang, 27; at Zhengfeng Lin, 37, sa pagbebenta ng mahigit isang milyong pisong halaga ng pekeng Crocs.
Narekober din ng mga operatiba sa naturang warehouse ang ₱20-milyong pisong halaga ng pekeng Havaianas, Nike, at Adidas footwear.
Ayon kay CIDG Director Police Brigadier General Romeo Caramat, kasalukuyang hinahanap ng CIDG ang supplier ng naturang mga pekeng produkto bilang bahagi ng kanilang “Oplan Megashopper” laban sa mga economic saboteurs. | ulat ni Leo Sarne