1.3 milyong sambahayan, isinasailalim sa 4Ps validation — DSWD

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nagpapatuloy pa rin ang ginagawang pagrerebyu ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa listahan ng mga benepisyaryo sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.

Ito ay bilang tugon sa direktiba mismo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang 2022 State of the Nation Address (SONA) na tiyaking malilinis ang listahan at mapupunta sa kwalipikadong mga pamilya ang tulong ng pamahalaan sa 4Ps.

Ayon sa DSWD, batay sa pinakahuling resulta ng Listahanan 3, o ang National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTSPR), nasa 1.3 milyong sambahayan ang isinasailalim na sa validation.

Mula sa bilang na ito, 196,539 households na naalis na sa listahan dahil sa iba’t ibang rason kabilang ang pag-waive sa membership, at ang pag-graduate sa programa.

Kaugnay nito, iniutos na rin ni DSWD Secretary Gatchalian ang reassessment sa natitirang mga benepisyaryo na maituturing nang “non-poor.”

Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Romel Lopez, gagamiting sukatan ng DSWD sa kanilang assessment ang Social Welfare and Development Indicators (SWDI) tool.

“The SWDI is being used by the Department as a case management tool to determine the progress of the households, by measuring their level of well-being in terms of economic sufficiency and social adequacy,” pahayag ni Asec. Lopez.

Una nang tiniyak ng DSWD na hindi pinapabayaan ang mga pamilyang nagsisipagtapos sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps. | ulat ni Merry Ann Bastasa

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us