Aabot sa 161 agrarian reform beneficiaries (ARBs) ang nakatanggap ng mga titulo ng lupa mula sa Department of Agrarian Reform (DAR).
Ayon sa DAR, ang mga ipinamahaging titulo ay binubuo ng 114 emancipation patents (EPs) at 76 certificates of land ownership award (CLOAs).
Katumbas ito ng higit sa 105.515 ektarya ng lupaing pang-agrikultural sa mga lalawigan ng Pampanga, Bataan, at Bulacan.
Ayon kay DAR Undersecretary Atty. Luis Meinrado Pañgulayan, ang pamamahagi ng lupa ay nakaangkla sa plano ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bigyang kapangyarihan ang mga magsasaka at palakasin ang sektor ng agrikultura.
“Ang mga EP at CLOA ay patunay na sila na ngayon ang may-ari ng lupang kanilang binubungkal na ibinigay ng gobyerno sa pamamagitan ng DAR,” ani Pañgulayan.
Kaugnay nito, inanunsyo ni Pañgulayan na malapit na ring lagdaan ng Pangulo bilang batas ang panukalang batas na magbubura sa pangunahing utang at mga natitirang amortisasyon ng mga ARB sa buong bansa.
Ang batas, na tatawaging New Agrarian Emancipation Act, ay sasakupin ang kondonasyon ng ₱57.5-bilyong utang ng mahigit 610,000 ARBs.
“Kapag nagkabisa ang batas na ito, ang lupa na naibigay sa inyo ay libre na po na ibibigay. Wala na kayong babayaran na utang pa. Ito ang pangarap ng ating mahal na Pangulo, ang magkaroon ang mga magsasaka ng tunay na kalayaan sa utang, tunay na kalayaan sa kahirapan,” ani Pañgulayan. | ulat ni Merry Ann Bastasa