Target ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) na maipasa sa Kongreso ngayong taon ang 20 bagong priority bills na nakatutok sa economic reforms ng bansa.
Ang naturang mga panukalang batas ay layong mapabuti ang business climate sa Pilipinas para sa mga investor at maisulong ang human capital development.
Ayon kay National Economic and Development Authority Secretary Arsenio Balisacan, mahalaga ang 20 priority bills para maaabot ang mga development targets na nakapaloob sa Philippine Development Plan 2023 -2028 at ang 8-Point Socioeconomic Agenda ng Marcos Administration.
Sa ikalawang pulong ng LEDAC kung saan nagsisilbing chairman si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at secretariat naman ang NEDA, napagkasunduan na gawing prayoridad ang 20 panukalang batas at ito ay target na maipasa sa Kongreso sa hanggang sa December 2023.
Kabilang dito ang mga panukalang batas na nakatutok sa pagsusulong ng mas maraming investment sa bansa gaya ng pag-amyenda sa Build-Operate-Transfer-Law, Ease of Paying Taxes Bill, at Internet Transactions Act o E-Commerce Law.
Dagdag pa ni Balisacan, nakikitang niyang makakamit na ng Pilipinas ang malalimang social at economic change matapos mangako ang Kongreso na maipapasa ang mga panukalang batas hanggang sa katapusan ng taon.
Ang LEDAC ang nagsisilbing consultative at advisory body sa ilang mga programa at polisiya na mahalaga para sa ekonomiya ng bansa.| ulat ni Diane Lear