Kinumpirma ng Western Command ng Armed Forces of the Philippines na aabot sa 48 Chinese vessels ang namataan nilang paikot-ikot sa West Philippine Sea.
Ayon kay WESCOM Spokesperson, Cdr. Ariel Coloma, batay sa ulat nila kaninang umaga, natunton ang lokasyon ng mga naturang barko sa Iroquis reef at Sabina Shoal.
Isinagawa aniya ang air patrol noong Hunyo 30, ang araw kung kailan naman hinarang ng mga barko ng Tsina ang mga barko ng Pilipinas sa bahagi ng Ayungin shoal para sa re-supply mission.
Dahil dito, sinabi ni Coloma na itinuturing nilang “concerning development” o nakababahala ang tila pagdami na naman ng mga barko ng Tsina sa pinag-aagawang karagatan na nahahati sa 5 hanggang 7 grupo.
Una nang inihayag ng Department of Foreign Affairs o DFA na naghain na ito ng Note Verbale laban sa China dahil sa patuloy na presensya at hindi angkop na mga hakbang nito sa West Philippine Sea. | ulat ni Jaymark Dagala
: AFP-WESCOM