Naniniwala si ACT-CIS Party-list Representative Erwin Tulfo na makatutulong para madagdagan ang water supply kung paiigtingin lang ang cloud seeding.
Ayon kay Tulfo, matagal naman nang ginagawa ang cloud seeding upang umulan sa isang partikular na lugar.
Katunayan ilan aniya sa mga residente sa Bulacan ang naghihintay kung kailan magka-cloud seeding upang madagdagan naman ang tubig sa Angat Dam.
Sa kasaluluyan nasa 179.23 meters na lang ang tubig sa Angat, mas mababa sa normal operating level na 180 meters.
Dahil dito ay binawasan ng National Water Resources Board (NWRB) ang alokasyon sa water concessionaires ng 48 cubic meters.
“Ilang residente sa Norzagaray, Bulacan ang nagtatanong ngayon kung kailan daw ba mag-‘cloud seeding’ sa lugar para umulan at magdagdagan ang tubig sa Angat Dam na ngayon ay nasa below operating level na. Why not? Matagal na rin nating ginagawa ang cloud seeding para umulan sa isang lugar di ba?” saad ni Tulfo sa isang social media post. | ulat ni Kathleen Forbes