Ininspeksyon ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Andres Centino ang tatlo sa limang barko ng Philippine Navy na nakadaong sa Subic, Zambales nitong Sabado.
Ang mga ito ay ang BRP Antonio Luna (FF-151), sa ilalim ng command ni Captain Clyde Domingo; ang BRP Conrado Yap (PS-39) na pinamumunuan ni Commander Johanns Cruzada PN, at BRP Ramon Alcaraz (PS-16) na pinamumunuan ni CDR Jim Aris Alagao PN.
Pagkatapos ng inspeksyon, nagsagawa ng “Talk to the Troops” ang AFP chief sa BRP Antonio Luna, kasama ang crew ng tatlong ininspeksyon na barko, pati ang crew ng dalawa pang barkong nakadaong sa Subic, ang, BRP Andres Bonifacio (PS-17) at BRP Davao del Sur (LD602).
Sa kanyang mensahe sinabi ng AFP chief na mahalagang personal niyang makita ang kapabilidad ng mga barko ng Philippine Navy, bilang tagapagpayo ng Pangulo at ng kalihim ng Departmment of National Defense.
Binati naman ni Gen. Centino ang mga tropa sa kanilang masigasig na pagpapatrolya sa maritime territory ng bansa, upang mapangalagaan ang mga mamamayan at bansa sa mga “intruder”. | ulat ni Leo Sarne