May 100 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Catanduanes na kabilang sa makatatanggap ng mga titulo ng lupa mula sa DAR kasunod ng paglagda ng New Agrarian Emancipation Act ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong July 7.
Ang nasabing ARBs ay mula sa mga bayan ng San Andres (29), Viga (18) Panganiban (16), Baras (11), Virac (9), Bagamanoc ( 8 ), San Miguel (7) at Gigmoto (2).
Nasa 20 sa mga ito ang una nang natanggap ang kanilang titulo ng lupa matapos personal na dumalo kahapon sa sabayang distribusyon ng mga titulo para sa mahigit 1000 ARBs sa buong Bicol na ginanap sa Fuerte Sports Complex, Pili, Camarines Sur.
Magsasagawa naman ng ceremonial distribution ng land titles sa lalawigan sa susunod na buwan, para sa natitira pang ARBs na hindi nakadalo sa Camarines Sur.
Samantala, nagpaalala naman si DAR Secretary Conrado Estrella sa mga benepisyaryo na patuloy na pagyamanin ang naipagkaloob sa kanilang lupain.
Ipinaalala rin nito sa mga benepisyaryo na hindi maaaring ibenta ang lupa sa iba sa loob ng sampung taon. Aniya, sa ganitong pagkakataon ay babawiin ng pamahalaan ang lupa para maibigay sa ibang nangangailangan.| ulat ni Juriz dela Rosa| RP1 Catanduanes