Nakikipag-ugnayan na ang University of the Philippines sa mga awtoridad kaugnay ng napaulat na kaso ng sexual assaut na nangyari sa UP Diliman campus nitong weekend.
Sa inilabas na pahayag ng Office of the Chancellor, kinumpirma nito ang natanggap na report ng UPD Police (UPDP) noong July 1 sa isang babaeng estudyante na nakaranas ng sexual assault sa Ylanan Street.
Sa kasalukuyan ay aktibong nakikipagtulungan na aniya ang pamunuan ng UPD sa mga awtoridad para agad na maaresto at mapanagot ang suspek.
“The UPD administration has been working with Police authorities for the immediate apprehension of the suspect and closely coordinating with the survivor to provide all necessary assistance,” pahayag ng pamunuan ng UPD.
Dahil naman sa insidente, nagdagdag na ang UPD ng mga security personnel para magbantay sa buong campus.
Pinaalalahanan din ang publiko na manatiling nakaalerto at i-report sa UPDP ang anumang makikitang kahina-hinala sa campus.
“In case of emergency, please contact the UPDP at 8981-8500 local 113, or approach a security officer on campus,” anila. | ulat ni Merry Ann Bastasa