Pinaboran ni Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban ang naging babala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga smuggler ng agricultural products.
Matatandaang sa SONA ng Pangulo, binanggit nito na bilang na ang araw ng mga smuggler.
Ayon kay Usec. Panganiban, smuggling ang isa sa mga nangungunang hamon sa agricultural products kaya patuloy itong tinututukan ng ahensya.
Sa ngayon, pinaiigting na aniya ng DA ang kanilang mga hakbang kontra agri-smuggling kasama na ang regular na pag-iinspeksyon sa mga warehouse at cold storage facilities.
Katunayan, kamakailan lang ay mayroon aniyang apat na malalaking warehouses sa Luzon ang ininspeksyon ng DA kung saan natuklasan ang tone-toneladang smuggled karne, asukal at sibuyas.
Ayon kay Usec. Panganiban, nakaaabot pa ang mga smuggled agricultural products na ito hanggang sa Visayas at Mindanao.
Agad na pinakakasuhan na aniya ang mga may-ari ng warehouse sa paglabag sa Anti-agricultural smuggling act. | ulat ni Merry Ann Bastasa