Inaasahang mas matutugunan na ang mga problema sa pabahay sa bansa, kasunod ito ng paglabas ng Executive Order No. 34 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na kung saan maari nang gamitin ang mga nakatiwangwang na lupain ng gobyerno para sa mga housing project ng pamahalaan.
Sa ilalim ng nasabing EO, idinedeklara ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program o 4PH bilang flagship program ng pamahalaan.
Inaatasan din sa nasabing EO ang Department of Human Settlements and Urban Development o DHSUD na tukuyin ang mga lupain na maaaring gamitin para sa mga gagawing housing project.
Sa datos ng Philippine Development Plan 2023-2028, tinatayang aabot sa 6.8 milyon ang kakulangan sa pabahay sa Pilipinas.
Ayon naman kay DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar, direkta ang epekto ng nasabing EO sa mga mahihirap, partikular na ang informal settler families, minimum wage earners at mga nakatira sa kalye at estero.
Matatandaang inilunsad ng DHSUD ang 4PH upang magbigay ng disenteng pabahay na magpapatatag ng ekonomiya ng bansa. | ulat ni Diane Lear