Ginawaran ng Order of the Rising Sun, Gold and Silver Star ng pamahalaan ng Japan si Bases Conversion and Development Authority Chair at dating Defense Secretary Delfin Lorenzana sa isinagawang conferment ceremony sa official residence ng Japanese Ambassador sa Makati City.
Iginawad ni Japanese Ambassador to the Philippines Kazuhiko Koshikawa ang parangal sa ngalan ng Emperador ng Japan bilang pagkilala sa ambag ni Lorenzana sa pagpapaganda ng defense cooperation at exchanges sa pagitan ng Japan at Pilipinas.
Sa kanyang congratulatory message, pinuri ni Ambassador Koshikawa ang naging pamumuno ni Lorenzana bilang Defense Secretary sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nagpahayag rin ng pagpapahalaga ang embahador sa determinasyon ni Lorenzana na pagsasakatuparan ng defense ties sa pagitan ng dalawang bansa, kabilang rito ang pagpapagana ng enhanced defense exchanges, pagpapalawak ng paglahok ng Japan Self-Defense Forces’ sa training opportunities, at pagpapatupad ng capacity-building support sa larangan ng humanitarian assistance at disaster relief. | ulat ni Gab Humilde Villegas