Inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na umabot na sa mahigit 5.3 milyon ang bilang ng mga natulungan ng assistance to individuals in crisis situation (AICS) program sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Mas mataas ito ng 1.8 milyon kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Romel Lopez, ito na ang pinakamataas na bilang ng natulungan ng ahensya sa nakalipas na limang taon.
Karaniwang natutulungan ng AICS ang mga may sakit, nakaranas ng sakuna o namatayan ng kaanak na binibigyan ng cash assistance.
Paliwanag ni Lopez, ang pagdami ng natulungan ng DSWD ay dahil sa mas streamlined, pinadali, at pinabilis na proseso ng ahensya.
Sa ngayon, ay plano pa ng kagawaran na mas ilapit ang programa sa publiko sa pamamagitan ng pagtatayo ng satellite offices sa iba’t-ibang lugar sa bansa. | ulat ni Diane Lear