Sa opinyon ni Senador Francis Tolentino, mabigat ang dating para sa ating bansa ng pagpanig ng dalawang mahistrado ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng apelang iatras ang imbestigasyon sa “war on drugs” ng nakaraang administrasyon.
Ibinahagi kasi ni Tolentino na sa naging botohan ng limang mahistrado ng ICC, dalawa ang pumabor sa apela ng Pilipinas habang tatlo naman ang bumotong ibasura ito.
Giit ni Tolentino, bagamat kalaunan ay natalo ang apela ng Pilipinas ay mabigat naman ang ibinahaging opinyon ng dalawang mahistradong pumabor na sina Presiding Judge Marc Perrin de Brichambaut ng France at Judge Gocha Lordkipanidze ng Georgia.
Ayon aniya sa dissenting opinion ng dalawang hukom, klaro na walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas.
Ipinaliwanag kasi ng mga ito na naghain lang ng kaso at isinulong na imbestigahan ang Pilipinas, dalawang taon matapos nating kumalas sa Rome Statute o sa ICC.
Base sa dokumento, May 24, 2021 naghain ng kaso laban sa ating bansa, samantalang March 17, 2019 ay naging epektibo na ang pagkalas natin sa ICC.
Sinabi ni Tolentino na pasok pa sana dapat ang pag-iimbestiga sa bansa kung nagsimula ito bago maging epektibo ang pagkalas natin sa ICC.
Dinagdag rin ng mambabatas na may dalawang kondisyon lang para masabing sakop pa rin tayo ng ICC… una ay dapat parte ang bansa ng Rome Statute at ikalawa ay kung tinanggap ng Pilipinas ang pag-iimbestiga at hurisdiksyon ng ICC.
Mga kondisyong wala sa kaso ngayon ng ating bansa. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion