Nagbigay babala ngayon ang Bureau of Immigration (BI) laban sa mga illegal recruiter na nagpapagamit ng concealed visas sa kanilang mga biktima.
Ginawa ni Immigration Commissioner Norman Tangsingco ang babala kasunod ng mga kaso ng human traffiking sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na kanilang naitala kamakailan.
Nabatid na gumagamit ng tourist visa ang biktima para makalabas ng bansa pero ang tunay na pakay pala ay makapagtrabaho sa ibayong dagat.
Kamakailan lang, 2 biktima ng illegal recruitment ang naharang sa NAIA na patungo sana sa Singapore matapos magpanggap na mga turista pero natuklasang magtatrabaho pala sa United Arab Emirates (UAE).
Sinabi ni Tansingco na may sistemang ginagamit ang kanilang mga Immigration Officer upang malaman o maverify ang concealed visas na bitbit ng mga pasahero.
Kasunod niyan, nagbabala rin ang Immigration sa publiko na huwag magpabiktima sa mga ganitong uri ng gawain na tiyak namang maglalagay sa kanila sa alanganin at mabibiktima pa ng pang-aabuso. | ulat ni Jaymark Dagala