Pormal nang iginawad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Level 2 Certificate of Accreditation nito sa Bahay Pag-asa Youth Center sa Lungsod ng Las Piñas.
Ito ang inihayag ni Las Piñas City Mayor Imelda Aguilar nang makatanggap ito ng liham mula sa kagawaran na nag-aapruba sa kanilang aplikasyon para sa naturang sertipikasyon.
Batay sa ipinadalang liham, sinabi ng DSWD na tumalima ang Bahay Pag-asa sa kanilang pamantayan salig na rin sa naging rekumendasyon ng kanilang technical staff nang magsagawa ito ng assessment noong Pebrero.
Sinabi ni Aguilar na valid o tatagal ang bisa ng inilabas na sertipikasyon ng DSWD sa loob ng 5 taon at kailangan din itong ilagay sa lugar na madaling makita ng publiko.
Kinakailangan lamang magsumite ang Pamahalaang Lungsod ng Accomplishment Report taon-taon, panatilihin din dapat ang pagbibigay ng dekalidad na serbisyo sa mga kabataan.
Dahil dito, sinabi ni Mayor Aguilar na magandang pagkakataon ito upang mailayo ang mga kabataan mula sa masasamang bisyo at maitaguyod ang kanilang edukasyon upang maging isang mabuting mamamayang Pilipino.| ulat ni Jaymark Dagala