Nakatakdang maghain motion for reconsideration ang Commission on Elections (COMELEC) sa Korte Suprema.
Ito ay para hilingin na ilipat ang petsa ng pagdaraos ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections sa Oktubre ng taong 2026, sa halip na sa Disyembre ng taong 2025.
Ayon kay COMELEC Chairperson George Erwin Garcia, nagpasya ang en banc na gawin ang kahilingan sa High Tribunal dahil sa hindi maaaring magsabay ang pagdaraos ng Mid-Term Elections at Barangay Elections sa taong 2025.
Maliban dito, nais din ng COMELEC na mapagsilbihan ng buo ng mga mahahalal na opisyal ng Barangay at SK ang kanilang termino sa loob ng tatlong taon.
Magugunitang inihayag ng Korte Suprema sa naging ruling nito, na dapat gawin ang Barangay at SK Elections sa unang Lunes ng Disyembre ng taong 2025 salig sa Republic Act 11462.
Dahil dito, sinabi ni Garcia na kanilang ihahain ang mosyon sa sandaling mapasakamay na nila ang kopya ng Supreme Court ruling. | ulat ni Jaymark Dagala