Nakikipag-ugnayan na ang Department of Agriculture sa mga magsasaka kaugnay ng tumataas na presyo ngayon ng ilang highland vegetables gaya ng carrots sa pamilihan
Sa monitoring ng DA, mayroon nang ilang pamilihan ang nagbebenta ng hanggang ₱200 kada kilo ng carrots.
Sa Muñoz Market, ayon kay Aling Joan, tindera ng gulay, umabot talaga sa ₱200 ang kada kilo ng carrots noong weekend pero bahagya na itong bumaba sa ₱160 kada kilo.
Ayon naman kay DA Assistant Secretary Kristine Evangelista, may na-monitor na rin silang paggalaw sa presyo ng carrots sa trading posts pa lang na ₱116 ang kada kilo.
Maaari aniyang nakaapekto sa produksyon ng mga magsasaka ang mga naging pag-ulan nitong mga nakalipas na araw.
Isama pa ang hamon sa logistics na maaaring nakaapekto din sa presyo.
Kaya naman ang DA, pinakilos na ang mga regional office para tulungan ang mga magsasaka na maihatid ang kanilang paninda sa Kadiwa stores.
Ayon kay Asec. Evangelista, handa ang DA na magpadala muli ng mga truck para makabawas na sa gastusin ng mga magsasaka. | ulat ni Merry Ann Bastasa