Nagkaloob ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng ₱18-milyong halaga ng solar-powered irrigation systems sa Rizal Indigent Farmers Irrigators Association para sa mga magsasaka ng Barangay Calaocan, Rizal, Kalinga.
Ipinagkaloob ni Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III ang nasabing solar-powered irrigation system bilang pauna sa mga support services na ipagkakaloob sa mga agrarian reform beneficiaries sa Kalinga na nagbibigay ng eco-friendly at napapanatiling mapagkukunan ng tubig para sa kanilang mga pananim.
Ayon kay Estrella, hindi pinapalampas ng ahensya ang oportunidad na makapagbigay ng mga proyekto at makagawa ng mga hakbang upang mapigilan ang epekto ng climate change sa mga agrarian reform areas.
Sinabi ni DAR-Kalinga Provincial Agrarian Reform Program Officer Adela Damaso na maaaring patubigan ng proyekto ang 60 ektarya ng lupang pang-agrikultura na pangunahing pakikinabangan ng limampung kabahayan ng mga ARB at iba pang mga kalapit na mga magsasaka. | ulat ni Gab Humilde Villegas
📸: DAR