Hindi na palalawigin pa ng pamahalan ang deadline ng sim card registration sa July 25.
Ito ang inihayag ni DICT Sec. Ivan John Uy kasunod ng paghikayat sa publiko na magparehistro at ‘wag nang antayin pa ang deadline.
Paliwanag nito, otomatikong mawawalan na ng koneksyon ang mga SIM card na hindi rehistrado pagtuntong ng 12:01 am ng July 26.
Sa datos ng NTC, nasa 104 milyong SIM cards na ang nairehistro sa bansa, o katumbas ng 61.94% ng target na 169 milyong telco subscribers sa bansa.
Pero kung pagbabatayan naman aniya ang datos ng mga telcos, nasa higit 99% na ng mga revenue generating SIM ang rehistrado.
Para sa Kalihim, malaking bilang ng mga hindi pa rehistrado ay mula sa non revenue at single use sim cards na maaaring ginagamit ng telemarketers o mga scammer.
Kumpiyansa rin ang kalihim na nairehistro na ang mga SIM card sa mga Geographically Isolated and Disadvantaged Areas sa tulong na rin ng mga iniikot na mobile SIM assisted registration ng telcos.
Kasunod nito, patuloy naman ang paalala ni DICT Sec. Uy sa mga telco subscriber na magdoble ingat pa rin dahil lumilipat na sa ibang platform gaya ng social media ang mga scammer. | ulat ni Merry Ann Bastasa