Deadline sa pagkuha ng lisensya ng mga LPG industry player, hindi na palalawigin ng DOE

Facebook
Twitter
LinkedIn

Hindi na palalawigin pa ng Department of Energy (DOE) ang ibinigay nitong deadline para sa mga LPG Industry player para makakuha ng kanilang License to Operate at iba pang mga certificate of registration nito.

Ito ang ipinabatid ng DOE kasunod ng nakatakdang deadline nito bukas, Hulyo a-7 ng taong kasalukuyan salig na rin sa itinatakda ng Republic Act 11592 o ang LPG Industry Regulations Act of 2021.

Dahil dito, nagbabala ang DOE na mahaharap sa kaukulang parusa sa ilalim ng batas ang mga LPG industry player na mabibigong magsecure ng kaukulang permit mula sa mga Lokal na Pamahalaan gayundin sa iba’t ibang ahensya.

Layon nito na maiwasan ang mga naitatalang aksidente dahil sa hindi tamang pagre-refill ng LPG gayundin ang paggamit at pagbebenta ng mga dispalinghadong tangke na lubhang peligroso para sa mga konsyumer.

Sinumang mapatutunayang lumabag sa nasabing panuntunan ay mahaharap sa pagkakakulong o papatawan ng multa na hindi bababa sa 5 libong piso kada araw para sa hindi awtorisadong pagbebenta ng LPG.

Habang posible ring patawan ng hanggang 1 milyong pisong multa ang sinumang mapatutunayang lumabag sa pagbebenta at pagbibiyahe ng mga tangke ng LPG na hindi pasado sa Quality Standards ng gobyerno. | ulat ni Jaymark Dagala

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us