Sinusuportahan ng European Union ang mabilis na pagtatapos ng usapan sa pagbuo ng Code of Conduct sa pagitan ng ASEAN at China na nakaayon sa United Nations Convention on Law of the Sea at rumerespeto sa karapatan ng mga third party.
Inilabas ang pahayag ng EU Delegation kasama ang mga embahada ng mga EU Member States sa Pilipinas, na kinabibilangan ng mga bansang Belgium, Czech Republic, Denmark, Germany, Ireland, Greece, Spain, France, Italy, Netherlands, Poland, Austria, Romania, Slovakia, Finland, at Sweden bilang paggunita sa ikapitong anibersaryo ng Arbitral Ruling na naipanalo ng Pilipinas.
Sinabi ng EU Delegation na ang Arbitral Ruling ay isang makabuluhang milestone para sa Pilipinas, dahil ito ay kapaki-pakinabang na batayan para sa mapayapang paglutas ng mga hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga partido.
Muling iginiit ng EU ang pangunahing kahalagahan ng pagtataguyod ng mga kalayaan, karapatan, at tungkuling ito na itinatag sa ilalim ng UNCLOS, lalo na sa Freedom of Navigation at Overflight.
Nakatuon ang EU sa pagkakaroon ng secure, malaya, at bukas na mga maritime supply routes sa Indo-Pacific, ganap na pagsunod sa international law, tulad ng makikita sa UNCLOS, para sa interes ng lahat.
Pitong taon na ang nakakaraan mula nang maipanalo ng Pilipinas ang kaso nito sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague kung saan ibinasura nito ang nine-dash line claim ng China sa West Philippine Sea. | ulat ni Gab Humilde Villegas