Nagpaalala ang Department of Energy (DOE) sa lahat ng electric consumers sa buong bansa na nasa listahan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng DSWD na magparehistro sa kanilang mga distribution utilities upang patuloy na makakuha ng discount ang mga lifeline consumers.
Simula sa Agosto, hindi na makakakuha ng diskwento sa kanilang mga electric bill ang mga 4Ps beneficiaries na hindi rehistado. Patuloy na ipoproseso ng mga distribution utilities ang aplikasyon para sa lifeline rate program ngunit magiging epektibo lamang ang diskwento sa mga konsumer sa oras na sila ay makapagparehistro.
Batay sa datos ng Energy Regulatory Commission, nasa 1,816 na mga konsumidores lamang sa 24 milyong 4Ps beneficiaries sa buong bansa ang nakapag-apply para sa nasabing lifeline program.
Dagdag pa, 31 na mga distribution utilities lamang ang nakatanggap ng lifeline program applications habang 110 na mga distribution utilities naman ang wala pang natatanggap na kahit isa na aplikasyon para sa lifeline program.
Sa ilalim ng RA 11552, na nag-aamyenda sa Section 73 ng RA 9136 o ang EPIRA na ang mga lifeline o subsidized rates ay binibigay lamang sa mga low-income consumers na kumokonsumo ng 100 kilowatt hours kada buwan na hindi makapagbayad ng buo. | ulat ni Gab Humilde